Sa lahat ng kwento na sa amin ay ipinabasa, ito ang hindi ko malilimutan. Ito ang pinakatumatak sa aking isipan, ito ang nagmulat sa akin sa maraming panibagong perspektibo, ito ang sulatin na gustong gusto kong ipabasa sa aking mga kaibigan dahil sa alam kong magugustuhan din nila ito. Ito ang kwentong pagkatapos kong basahin hinanap ko agad sa internet ang sumulat, gusto kong alamin ang kanyang personalidad at kung ano mang bagay na tungkol sa kanya. Isang napakagaling na pagiisip ang bumuo sa bawat detalye ng kwento, mapaglarong imahinasyon para sa naging takbo ng komunidad at mga karakter at umusbong na problema, nagpakita ng mga simbolo na dalawa ang kahulugan, at nagtapos ang kwento sa sitwasyon na hindi ko inaasahan ngunit lahat ay dumaan sa malalim na pagiisip at nakapagbigay ng rasyunal na katwiran.
Sa dalawang unang aking binasa, halos wala akong naintindihan, sa lalim ng mga salita, sa paglalarawan ng panahon at lugar ay hindi ito ang tipo kong basahin. Halos tatlong beses akong paulit ulit na sa parteng iyon para lubusang maunawaan ang mga pangyayari. Hanggang sa tinanong ko ang ilan sa mga kaklase ko kung nabasa na nila para sana ay humingi ng eksplinasyon ngunit wala sa kanila ang nakapagbasa at tila walang balak kaya pinilit kong basahin ulit. Sa mabuting palad ay unti unting lumiwanag ang bawat salitang nakasulat at hindi ko na namamalayan ang oras dahil parang dinala ako ng manunulat sa mundo ng kanyang sulatin. At noong matapos ko ay dali dali kong kinausap ang aking mga kaklase at pinilit silang magbasa. Sa ganda ng kwento halos hindi ako maka get over at ikinuwento ko ang aking nabasa sa isa kong kaibigan na mahilig magbasa ng libro, hiningi niya ang kopya at dahil wala nito sa internet ay tyinaga kong kuhaan ng litrato para mabasa niya. Tama nga ako dahil nagustuhan niya, nakailang mura ang inabot ni Gido sa aking kaibigan at hindi ko maiwasang matawa at mainis naman sa sistema ng kanilang komunidad. Halo halong opinyon at emosyon ang aming naramdaman at unti unti naming napansin ang mga bagay na hindi man gaanong naidetalye ngunit malaki ang gampanin sa kwento at madaling maihahalintulad sa totong kaganapan sa lipunan.
Katulad ng role na ginampanan ni Eliseo, marahil siguro ay kaunti lamang ang detalye na nakasulat ngunit isa siyang halimbawa ng biktima ng pananamantala. May marangal na trabaho at masipag pero noong dumating ang oras na siya ay nangangailangan at tila ang kanyang kahinaan ay pinagsamantalahan ng mga taong inisip lang ang mga sarili. Handang pumatay para sa pansariling kaligayahan, ito ang sitwasyon ng mga tao sa lipunan na gustong lumaban ngunit walang tiyansya at boses para ipaglaban ang sarili. Idagdag na rin natin ang pananamantala na ginawa ni Gido at Sabel hindi lamang kay Eliseo ngunit pati na rin sa ina nito. Sino ba naman ang ina na nais makitang pinapatay ang anak sa kanyang harapan? Alam niyang hindi dapat na umabot sa ganoong punto ang buhay ng anak, nagnais magreklamo at humanap ng hustisya ngunit walang nagawa’t nanahimik na lang.
Ang lipunan ay mangmang sa katotohanan. Nabubuhay sa mundong tila may isang parang diyos na lahat ng lumalabas sa bibig ay pinaniniwalaan.
Hindi malabong maloko ang mga taong ito sapagkat tanging pagtango ng ulo lamang ang alam sa mga aksyon at salita na para bang nagpapaikot sa mga buhay ng mga taong ito. Madaling nauto o nakuha ang simpatya at paniniwala ng lahat. Kung iisiping mabuti wala itong pinagkaiba sa mga matatamis na salitang lumalabas sa bibig ng mga politikong nais maupo sa pwesto at sila ay si Gido na tila paiikutin ka sa mga salita at aksyon sa oras ng kampanya. At ikaw ang tao sa kanilang lipunan na madaling mauto dahil sa naniniwala kang may kakayahan at eksperto sila sa larangang iyon. Hindi mo alam na may iba silang pakay at pansariling kagustuhan na gustong makamtan.